Sunday, October 4, 2009

Set. 26, 2009 -- Ondoy, walang hiya ka

*Disclaimer: ang post ko na ito ay walang litro, sapagkat wala ako sa gitna ng bagyo. Kahit na gusto ko maglagay ng mga litrato galing sa ibang tao, masgugustuhin ko pa rin gamitin ang sarili kong kuha para dito. Pero wala eh. Kaya puro salita na lang muna ito. Gamitin ang imahinasyon!

Noong Sabado, ika-26 ng Setyembre, 2009, ako ay pumasok para sa aking VC 138 na klase sa Fine Arts. Umaga ang klase namin, at umuulan na ng 8:30 ng umaga. Palakas ng palakas ang ulan, and hindi namin namalayan na bumabagyo na hangga't napansin namin nang subukan na namin umuwi. Dahil hinatid lang ako ng aking nanay sa FA, sinundo ako ng aking kapatid na dapat pupunta sa Katipunan upang makipagkita sa girlfriend niya, ngunit hindi na siya pinatuloy ng magulang namin dahil katakot-takot na ang ulan.

Ako na ang umupo sa likod ng manibela ng kotse. Sobra lakas na ng ulan. Nakapagtataka na nakadalawang oras kami sa kotse, ngunit ang bahay namin at limang minuto lamang ang layo sa UP. Kasi ba naman, halos lahat ng daan palabas ng UP na patungo sa Tandang Sora eh trapik o kaya'y binabaha. Sa University Ave? Umaapaw ang tubig sa mga field sa tabi nito (actually, lahat ng field na nadaanan namin, naging lake na. Kamusta kaya ang Sunken Garden?) at nakakarating na sa kalye. Baha. At kahit na kaya naman tawirin ang mababaw na baha, hindi na gumagalaw ang mga kotse na patungong Commonwealth.

Sa Ylanan gate, na bumubukas lang ng 6 - 10 AM at 4 - 10 PM? Sarado. Medyo nainis lang ako ng kaunti dahil medyo mahirap na at maraming nasastranded sa loob ng UP, hindi pa rin nila pagbigyan ang mga may kakayahang makaligtas at buksan ang gate. Kahit ngayon lang. Akala namin hindi pinapalabas ang mga walang UP ID, pero hindi pala.

Ang sunod na naisip kong labasan ay yung sa tabi ng Romulo Hall, yung nilalabasan ng mga UP-Katipunan na dyip papuntang Katipunan (malamang). Medyo pinag-isipan ko pa kung dito nga ako dadaan, sapagkat nakita ko na trapik papuntang Tandang Sora, at halos walang papuntang Katipunan dahil sa baha. Pero ito na lang talaga ang pag-asa ko upang makalabas at maka-uwi. Kaya sumugod na rin ako dito.

Siya nga pala, magmulang sumakay ako ng kotse, napansin ko nagkaka-fog yung mga bintana at windshield. Pinupunasan namin, pero bumabalik lang siya bawat limang segundo. Nakakapikon. Hindi lumalamig yung aircon ng kotse, kaya't hindi nawawala yung bwisit na na yun. Isang kamay, ginamit ko pang punas sa bintana at windshiled, isang kamay ay nakahawak sa manibela. Buti na lang magaling ata ako magmulti-task. Inisip ko na baka wala nang freon, pero ang magaling kong kapatid ay sumugod sa baha pala nang papunta sa Katipunan at...ayon. Goodbye malamig na aircon na makakapigil ng fog sa loob ng kotse.

Balik sa kwento. Malakas ang buhos ng ulan. Ang Katipunan/Balara na kalye na dating dalawang lane ay naging tatlo dahil sa mga gustong-gusto nang makaraan. Isa ang kotse namin sa mga ito. Sinusundan ko lang ang pulang Vios sa harap namin, at mukhang ayos na ayos siya dahil nakakaabante naman siya. Nagtaka na lang ako kung bakit hindi siya nadali sa napakalaking bato at mga pira-piraso ng kahot na dati ay isa palang sign pero hinangin, nasagasaan siguro at nasira. Hindi kami makaabante dahil may bato. Hindi kami makaatras dahil may kotse sa likod. Bumabagyo. PAANO NA KAMI NGAYON.

May isa pa kaming kasama ng kapatid ko sa kotse, isa kong kaklase at kasama sa org namin sa FA. Patungo siyang Fairview kaya sinabay na namin siya. Siya at ang kapatid ko ay lumabas ng kotse upang tanggalin ang malaking bato at ang mga kahoy sa harap ng gulong upang makaandar na kami. Nakaabante rin ako sa tulong ng kapatid ko. Sa wakas, nakagalaw din kami.

Sobrang napagod ang braso ko kakapunas dun sa fog na yun. Pagtama namin sa Commonwealth, napasigaw kaming tatlo ng "YEEEEESSSSSSSSSSS" dahil biglang ang luwag na ng daan -- walang trapik sa Commonwealth. Hindi ko alam kung bakit, pero hindi na ako umangal. Binaba namin ang aking kaibigan sa unang overpass at tuluyan na kaming pauwi ng kapatid ko. Tuloy ang pagpahid sa windshield at bintana, pero KAUNTI NA LANG TALAGA. Nakauwi kami ng alas-dos ng hapon at hindi pa kami kumakain ng pananghalian.

* * *

Walang wala ang nadaanan ko sa mga pinagdaanan ng karamihan ng mga kaklase at kaibigan ko. Hindi ako binaha. Hindi ako nastranded sa kahit saan. Hindi ako nawalan ng bahay or nga kahit anong kagamitan. Ang nawala lang siguro sakin ay kuryente at sandali lang iyon.

Marami akong kaibigan na naapektuhan ng baha. Marami akong kaibigan na nawalan ng tirahan, kasama ng lahat ng kagamitan nila. May iilan akong kaibigan na hindi makontak at ilang araw ay walang may alam kung nasaan sila. May iba ay hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung ano ang kalagayan nila.

Walang pasok buong linggo pagkalipas ni Ondoy. Ginamit ko ang panahon na ito para halungkatin ang aking mga damit. I literally empited my closet. Buong linggo, ako ay nag-volunteer sa mga relief operations sa Ateneo at UP.

Dito ako napahanga sa mga kabataang katulad ko. Dito ko nakita ang lakas ng Internet. Imbes na buksan ko ang telebisyon para manood ng news sa nangyayari, ako ay nasa Facebook. Lahat ng makita kong mga inilalagay ng mga kaibigan ko ay mga iba't ibang paraan para mag-donate, iba't ibang lugar na kulang sa mga volunteer, mga bidyo, litrato, artikulo, sanaysay, kung anuman na may kinalaman sa naganap na bagyo. Dito ako na-update kung ano ang pwede ko pang ibigay, kung ano mga maaaring mangyari sa susunod na linggo, kung sino ang mga hindi pa nakokontak magmulang bumagsak si Ondoy, kung sino ang mga nahanap na, kung sino ang mga nangangailangan...lahat.

Siguro may mga iilang tao na mas-inatupag kung may klase ba o wala dahil sa bagyo. Medyo nakakapikon din, pero alam ko na hindi na dapat ito masyado bigyan ng pansin.

Nakita ko ang pagkaka-isa ng mga Pilipino. Bayanihan. Maging mayaman o mahirap, bata o matanda, nagtulungan ang lahat sa kahit anong paraan na kaya nila. Nagtaka ako bigla kung paano nasasabi ng ibang tao na walang pag-asa ang Pilipinas umusad. Heto ang mga tao na kahit kakaunti lamang ang maibibigay o halos wala nga maibigay, pero nagbibigay pa rin. Kahit mga kapwa estudyante ko ay itinabi muna ang lahat ng requirements para sa pag-aaral. Lahat ng kaklase ko ay hindi muna pinagtatrabahuhan ang thesis, mga kaibigan ko'y itingil muna ang paggawa ng mga report, ng mga papel. Lahat ay lumabas ng bahay upang makatulong sa kahit anong paraan na kaya nila.

Ang astig. Dito ko talaga nasasabi na malakas ang aking Pinoy pride.

* * *

Ngayon, marami akong kilala na nangangailangan pa rin ng tulong. Maraming hindi makasumite ng mga report, papel o kung anuman para sa eskwelahan dahil walang akses sa Internet, o kaya'y ang kanilang mga isusumite ay nalunod na sa baha. Hindi ko alam kung ano na ang mangyayari sa lagay na ito. Nabalitaan ko ang Miriam at ang Ateneo ay ginawang optional na lang ang kanilang finals at lahat ng iba pang requirements magmula Oktubre 5. Hindi sa hinihingi ko rin ito, pero nagtataka talaga ako para sa mga nawalan ng lahat. Paano na sila?

* * *

Haaay. Nakakatakot isipin na sa nangyayari ngayon sa mundo -- global warming at kung ano pa -- maaaring hindi ito ang huling beses na makakaranas ang Pinas ng ganito. Pero sa ngayon, kailangan na nating maging alerto at maghanda para sa mga darating pang mga challenge ng buhay katulad ni Ondoy.

Pepeng, hindi ka namin kailangan. Please, wag ka na dumaan dito.